Makakaranas ng dalawang isang-oras na power interruption ang buong Cotabato Light franchise area sa Linggo, Agosto 23, 2026, ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.

Isasagawa ang unang power interruption mula alas-5 hanggang alas-6 ng umaga, habang ang ikalawa ay mula alas-6 hanggang alas-7 ng gabi.

Ayon sa abiso, bahagi ito ng MD6TL activity ng NGCP para sa pag-install ng bypass line na may dalawang Emergency Restoration System o ERS sa pagitan ng Tower 137 at 139 ng KIB-SKU 138-kilovolt transmission line.

Isasagawa rin ang MD6 Substation ride-on activity, kabilang ang pansamantalang pagtanggal ng drop wire conductors sa pagitan ng 138-kilovolt Bus 2 at 7Z-01DS07SKU bilang paghahanda sa pagpapalit ng naturang equipment.

Ayon pa sa abiso, sa umaga ay sasailalim sa isang oras na interruption ang SKU-DSA 69-kilovolt line upang pansamantalang ilipat ang power source sa Tacurong Substation.

Sa gabi naman, magkakaroon muli ng isang oras na interruption upang ibalik ang power source sa Sultan Kudarat Substation.