Naglabas ng opisyal na pahayag ang Bangsamoro Youth Commission (BYC) nitong Agosto 18, 2026, kaugnay ng naiulat na insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University ngayong umaga. Ayon sa pahayag, isang high school student ang iniulat na suspek sa insidente.

Mariing kinondena ng BYC ang insidente at nagpahayag ng malalim na pag-aalala at pakikiramay sa mga estudyante, guro, kawani, pamilya, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng insidente.

Binigyang-diin ng komisyon na dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan kung saan malayang makapag-aaral, makapagpapalago ng sarili, at makapagsusumikap ang mga kabataan nang walang takot. Iginiit din ng BYC na hindi dapat kinukunsinti o ginagawang normal ang anumang uri ng karahasan.

Nanawagan ang BYC sa mga awtoridad na magsagawa agad ng mabilis, masusing, walang kinikilingan, at malinaw na imbestigasyon sa insidente. Hinimok din nito ang mga kinauukulan na tiyakin ang pananagutan alinsunod sa due process at batas, gayundin ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga estudyante at maiwasan ang pag-ulit ng katulad na insidente.

Kasabay nito, hinikayat ng komisyon ang mga institusyong pang-edukasyon at mga kinauukulang ahensya na palakasin ang mga security protocol at magtatag ng epektibong early-intervention systems. Nanawagan din ito upang matiyak na may access ang mga estudyante sa angkop na psychosocial at mental health support.

Hinimok din ng BYC ang mga magulang, guro, youth leaders, at mga komunidad na magtulungan sa paglikha ng mga ligtas na kapaligiran kung saan komportable ang mga kabataan na magsalita tungkol sa kanilang mga pinagdaraanan, alitan, at mga alalahanin.

Ipinahayag ng Bangsamoro Youth Commission ang pakikiisa nito sa komunidad ng Ateneo de Zamboanga University sa gitna ng mahirap na sitwasyon. Nanawagan ito sa lahat na tanggihan ang karahasan, igalang ang kabanalan ng buhay, at magtulungan tungo sa mas ligtas at mapayapang learning environments para sa lahat ng kabataan.