Sumegunda sa unang sinabi sa panayam sa mga mamamahayag ni Cotabato City Police Office City Director PCol. Jibin Bongcayao na maari pang mabago ang naging pagkakasali ng Cotabato City sa Red Category ng COMELEC areas of concern ang isa nitong tagapagsalita.

Sa naging ekslusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay CCPO Spokesperson PLT. Rochelle Evangelista, sinabi nito na ang pagkakasama ng RED CATEGORY sa lungsod ay nangangahulugan na dapat maging alertado ang kanilang hanay sa lahat ng oras at sa lahat ng dako.

Taliwas naman ito sa iniisip ng iba nating mga mamamayan na ang pagkakalagay sa naturang kategorya ng lungsod ay nangangahulugan na magulo na ang lungsod.

Ayon kay PLt. Evangelista, bukod sa mataas na lebel ng kanilang pagbabantay, nangangahulugan din ang nasabing kategorya na kailangan din nilang maging mahigpit sa mga election related security activities.

Humingi rin ng paumanhin ang CCPO sa abala na idinudulot ng mga COMELEC checkpoints na isang reglamento upang masawata ang mga iligal na armas at iba pang mga kontrabando. Sa huli, pinayapa naman ni PLt. Evangelista ang publiko at mga taga siyudad na wag maging paranoid at ginagawa naman ng City PNP ang lahat upang maging mapayapa at matiwasay ang siyudad lalo’t papalapit na ang halalan sa buwan ng Mayo.