Naaresto ang isang lalaki matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang checkpoint operation ng Marawi City Police Station (MCPS) sa Barangay Patani, Marawi City, Lanao del Sur, bandang alas-10:00 ng gabi noong Agosto 28, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, pinahinto ng mga operatiba ang minamanehong motorsiklo ng suspek. Habang isinasagawa ang beripikasyon, napansin ng mga pulis ang tangka nitong itapon ang isang itim na plastic cellophane sa dilim.

Nang siyasatin, nadiskubre ang apat (4) na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 12.42 gramo at may tinatayang halagang ₱84,456 sa pamilihan.

Agad na dinala sa kustodiya ang suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban dito kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, kinilala ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), sa pamumuno ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, ang tagumpay ng Marawi CPS. Binigyang-diin ng opisyal na malaking bahagi ang operasyon sa pagpapatatag ng kampanya kontra droga at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa buong Bangsamoro region.