Nilinaw ni Atty. Bai Dona Dilangalen na hindi iligal o walang bisa ang pagkakatalaga kay Abdulraof Macacua bilang Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kabila ng umiiral na suspensyon nito bilang Chief of Staff ng MILF-BIAF.
Ayon kay Dilangalen, magkaibang posisyon ang tinutukoy sa dalawang tungkulin ni Macacua, kung saan ang pagiging Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ay saklaw ng internal na desisyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), habang ang pagiging Interim Chief Minister ay isang appointment na nasa kapangyarihan ng Pangulo ng bansa.
Dahil dito, iginiit ng abogado na nananatiling may bisa ang pagkakatalaga kay Macacua bilang ICM dahil ito ay dumaan sa lehitimong proseso sa ilalim ng umiiral na batas at constitutional authority.
Samantala, naniniwala rin si Dilangalen na nananatiling “MILF-led” ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, batay sa intensyon ng transitory provisions ng Bangsamoro Organic Law.
Gayunman, nilinaw niya na hindi tinutukoy ng batas kung ang batayan ng pagiging “MILF-led” ay sa bilang ng kinatawan o sa pamumuno, ngunit sa kasalukuyang setup, nananatili umanong nasa pamunuan pa rin ng MILF ang plenaryo sa pamamagitan ng liderato ng Interim Chief Minister.

















