Dinumog ng tinatayang mahigit sampung libong residente ang pagbisita ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa bayan, bilang bahagi ng kanyang pinalakas na pag-iikot sa rehiyon.
Kasabay ng pagdating ng Chief Minister, muling umigting ang aktibidad pampulitika sa lugar makaraang maghain ng kandidatura si dating GSKP Mayor Rafsanjani “Bimbo” Ali bilang kinatawan ng ika-limang distrito ng lalawigan.
Ayon sa pamahalaang Bangsamoro, layunin ng pagbisita ni Macacua na direktang tukuyin ang mga pangangailangan sa komunidad at mapabilis ang paglatag ng mga prayoridad na programa at proyekto.
Ipinakita rin sa pagtitipon ang malakas na suporta ng mga residente sa kasalukuyang pamunuan, kasabay ng panawagan para sa pagpapatuloy ng mga inisyatibang pangkaunlaran sa lugar.
Bahagi ang hakbang ng Chief Minister sa pinaigting na ugnayan ng regional government sa mga lokal na pamayanan, lalo na sa gitna ng paghahanda para sa nalalapit na halalang parlyamentaryo.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si dating Mayor Ali sa pagbisita ni Macacua at sa patuloy umanong pagtutok nito sa kapakanan ng mga residente ng kanilang bayan.

















