Hinimok ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua si Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE Minister Mohagher Iqbal na magbitiw sa puwesto kasunod ng kontrobersiya kaugnay ng mga audit observations sa bilyong pisong education-related transactions ng ministeryo.‎‎

Ito ay batay sa isang liham mula sa Office of the Chief Minister na may petsang Mayo 11, 2026, na kalauna’y kumalat sa ilang media organizations matapos umanong mag-leak ang naturang dokumento.‎‎

Sa naturang komunikasyon, tinukoy ang mga findings at observations ng Commission on Audit o COA hinggil sa procurement at disbursement transactions ng MBHTE na umaabot sa tinatayang P2.247 bilyon.‎‎

Ayon sa liham, kabilang sa mga isyung itinampok ng audit observations ang umano’y kakulangan sa procurement documents, mga concern sa bidding process, pagkaantala sa implementasyon ng ilang proyekto, mga tanong sa joint venture arrangements, at usapin sa performance securities at pagsunod sa procurement regulations.

‎‎Binanggit din sa dokumento ang mga disbursement vouchers na sinasabing na-proseso at nabayaran kahit umano’y kulang sa ilang kinakailangang supporting procurement documents alinsunod sa umiiral na government auditing at procurement rules.‎‎

Sa liham, sinabi umano ni Macacua na maaaring maapektuhan ang kredibilidad ng Bangsamoro government at maging ng Moro Islamic Liberation Front o MILF bilang mga institusyon kung hindi maaaksyunan ang kontrobersiya, habang idiniin ang kahalagahan ng accountability at moral governance sa Bangsamoro transition process.‎‎

Ayon pa sa mga source na pamilyar sa usapin, hinikayat umano ng Chief Minister si Iqbal na boluntaryong bumaba sa puwesto upang bigyang-daan ang independiyenteng review ng oversight agencies at maiwasan ang anumang persepsyon ng impluwensiya o pakikialam sa proseso.‎‎

Nakasaad din umano sa komunikasyon na kung hindi magsusumite ng irrevocable resignation si Iqbal hanggang Mayo 18, 2026 ay maaari siyang ituring na “deemed resigned.”‎‎Gayunman, iniulat na tumanggi si Iqbal na magbitiw at iginiit na ang COA audit observations at notices of disallowance ay preliminary pa lamang at hindi awtomatikong katumbas ng criminal o administrative liability.‎‎

Binigyang-diin din umano nito ang kahalagahan ng due process at presumption of innocence habang wala pang pinal na resulta ng anumang pormal na imbestigasyon.‎‎Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang si MBHTE Minister Mohagher Iqbal kaugnay sa kumakalat na liham at sa isyung ibinabato laban sa ministeryo.

DISCLAIMER: Bukas ang 93.7 Star FM Cotabato at Bombo Radyo Philippines sa panig ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal at ng iba pang opisyal na nais magbigay ng kanilang pahayag o paglilinaw kaugnay ng usapin. Patuloy naming paiiralin ang patas, balanse, at obhetibong pagbabalita alinsunod sa pamantayan ng responsableng pamamahayag.‎