Iginiit ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na legal at nakabatay sa “loss of trust and confidence” ang pagtanggal kay dating MBHTE Minister Mohagher Iqbal sa gitna ng mga batikos at isyung lumutang sa ginanap na RAGE Coalition rally sa Davao City noong Sanado, Mayo 23.
Sa naturang rally na dinaluhan ng ilang kaalyado at supporters ng Duterte political bloc, kinuwestiyon umano ng ilang tagapagsalita ang legalidad at motibo sa pagtanggal kay Iqbal at iniugnay ito sa mas malawak na isyung pampulitika laban sa kasalukuyang administrasyon at liderato ng BARMM.
Kabilang umano sa dumalo sa aktibidad si Mayor Yasser Ebrahim, anak ni dating BARMM Chief Minister Ahod “Murad” Ebrahim.
Batay sa liham ni Macacua na may petsang Mayo 18, 2026, sinabi nito na ang posisyon ng isang BARMM minister ay hindi fixed-term position at nananatili lamang habang may tiwala ang Chief Minister.
Ayon kay Macacua, hindi disciplinary dismissal ang nangyari kay Iqbal kundi pagwawakas umano ng appointment bunsod ng pagkawala ng tiwala ng appointing authority.
Inihayag din ng Chief Minister na nakabatay ang hakbang sa preliminary findings ng Commission on Audit o COA kaugnay ng umano’y kwestiyonableng transaksyon sa MBHTE na aniya’y nakaapekto na sa kredibilidad ng BARMM government.
Dagdag pa nito, ipapasa rin umano sa Office of the Ombudsman ang pinal na findings ng COA upang maberipika kung may basehan sa posibleng pagsasampa ng criminal at administrative cases habang tiniyak na mananatiling may due process si Iqbal sa anumang imbestigasyon.
Binigyang-diin din ni Macacua na hindi layunin ng Bangsamoro struggle na protektahan ang sinuman laban sa pananagutan kundi bumuo ng makatarungan at malinis na pamahalaan.
Ayon pa sa Chief Minister, una nitong hinikayat si Iqbal na boluntaryong magbitiw upang mapangalagaan umano ang reputasyon nito at kredibilidad ng BARMM sa gitna ng kontrobersiya.
Sinabi rin ni Macacua na nakonsulta umano sa usapin ang ilang senior MILF leaders kabilang si Chairman Al-Haj Murad Ebrahim kung saan tinalakay ang mga alegasyon ng korapsyon, kwestiyonableng appointments, umano’y iregularidad sa feeding programs at pagbebenta ng teacher items sa MBHTE.
Sa kabila ng mga isyung lumutang sa rally sa Davao City, nanindigan ang kampo ni Macacua na usapin ito ng accountability at good governance at hindi political persecution habang papalapit ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

















