Muling pinagtibay ni BARMM Chief Minister Abduraof Macacua ang pagsusulong ng “Moral Governance” bilang pangunahing prinsipyo ng pamamahala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ito ay nakapaloob sa kaniyang “Oath of Moral Governance” kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng integridad, katapatan, pananagutan, at paglaban sa katiwalian sa hanay ng mga lingkod-bayan.
Ayon sa pamahalaang Bangsamoro, layunin ng naturang prinsipyo na matiyak ang tapat, makatarungan, at makataong paghahatid ng serbisyo publiko para sa mamamayang Bangsamoro.
Kabilang din sa mga binigyang-pansin sa panunumpa ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mamamayan, pagsugpo sa ilegal na droga at iba pang suliranin sa lipunan, gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Sa ilalim ng liderato ni Macacua, patuloy umanong itinutulak ng BARMM government ang moral governance bilang pundasyon ng mabuting pamamahala at mas episyenteng serbisyo publiko.
Matatandaang unang isinulong ang prinsipyo ng moral governance ni dating BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim bilang gabay sa pamumuno at serbisyo publiko sa Bangsamoro region.

















