Nagpatawag si Chief Minister Abdulraof A. Macacua ng isang espesyal na Cabinet Meeting upang personal na pangunahan ang pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng Super Typhoon Inday at tiyakin ang kahandaan ng buong pamahalaang Bangsamoro na suportahan ang mga lokal na pamahalaan sakaling lumawak pa ang pinsala.
Sa pulong, binigyang-diin ng Chief Minister na ang unang tumutugon sa anumang kalamidad ay ang mga Local Government Units (LGUs), ngunit nakahanda ang pamahalaang Bangsamoro na magsagawa ng reinforcement operations sa sandaling mangailangan ng karagdagang tulong ang mga ito.
Batay sa pinakahuling ulat ng Bangsamoro READi Emergency Operations Center (EOC) hanggang 6:00 PM, kabilang sa mga apektadong lugar ang mga munisipalidad ng Parang sa Maguindanao del Norte; Guindulungan, Talayan, Datu Saudi Ampatuan, Ampatuan, at Datu Hoffer Ampatuan sa Maguindanao del Sur; at Bongao sa Tawi-Tawi.
Sa kasalukuyan, tinatayang 930 pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon. Wala namang naitalang nasawi simula alas-9:00 ng umaga ngayong araw.
Naitala rin ang paglikas ng 70 indibidwal sa Maguindanao del Norte, habang nananatiling hindi madaanan ang ilang pangunahing kalsada sa Datu Odin Sinsuat, Guindulungan, at Talayan dahil sa pagbaha at iba pang epekto ng bagyo.
Bilang pag-iingat, nagpatupad na rin ng suspensyon ng klase sa iba’t ibang lugar sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, ilang bahagi ng Special Geographic Area (SGA), at Cotabato City.
Sa direktiba ng Chief Minister, patuloy na naka-full alert ang mga ahensya ng BARMM upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa anumang paglala ng sitwasyon.
Sa ngayon, isinagawa na ng Bangsamoro READi ang mga sumusunod na hakbang:
- Pinanatili ang Blue Alert Status ng Emergency Operations Center;
- Nag-deploy ng Quick Response Teams sa Parang, Maguindanao del Norte, at Talayan, Maguindanao del Sur;
- Nagpatuloy sa 24/7 weather at incident monitoring;
- Nag-preposition ng karagdagang Quick Response Teams para sa agarang deployment; at
- Nag-preposition ng relief goods at hygiene kits para sa mga posibleng maaapektuhang komunidad.
Sa mga susunod na oras, magpapatuloy ang Bangsamoro READi sa pagbuo ng regular na situation reports, pagsusuri sa mga response actions, at mas pinaigting na koordinasyon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices, gayundin sa mga security sector kabilang ang Western Mindanao Command (WestMinCom) at Police Regional Office Bangsamoro.
Kasabay nito, patuloy ring mino-monitor ng pamahalaang Bangsamoro ang kakayahan ng bawat LGU na tugunan ang sitwasyon upang matukoy kung kailan kinakailangan ang mas malawak na interbensyon ng regional government.
Ipinaalala rin ng pamahalaang Bangsamoro na nananatiling umiiral ang State of Calamity sa buong rehiyon sa ilalim ng Proclamation No. 2, s. 2026, na idineklara noong Mayo 14, 2026, bunsod ng epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Bangsamoro READi Director Mohammad Farzieh “Bombet” Abutazil, mahalagang maunawaan ng publiko na hindi lamang tagtuyot ang dulot ng El Niño.
“Hindi ibig sabihin ng El Niño ay puro tagtuyot lamang. Mas nagiging mapanganib pa nga ang mga bagyo at matitinding pag-ulan kapag nangyayari ang mga ito kasabay ng El Niño dahil mas nagiging extreme ang ating weather patterns.”
Dahil dito, nananawagan ang pamahalaang Bangsamoro sa publiko na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga abiso ng mga lokal na pamahalaan at disaster authorities, at makipagtulungan sa mga umiiral na evacuation at preparedness measures habang patuloy na binabantayan ang galaw ng Super Typhoon Inday

















