Patay ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang sugatan naman ang isa pa matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Roman Vilo Street, Poblacion 6, Cotabato City, ngayong Huwebes ng tanghali, Oktubre 22.
Kinilala ang nasawi na si alyas Rey, at nakatalaga sa PCG Cotabato City Station, na idineklarang dead on arrival sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).
Sugatan naman ang kasamahan niyang si alyas John, matapos magtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo at kasalukuyang ginagamot sa nasabing ospital.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, sakay ng maroon na Toyota Innova ang mga biktima patungo sa kanilang himpilan nang pagbabarilin sila ng mga suspek bandang alas-12:28 ng tanghali.
Ayon sa imbestigasyon, tinarget ng mga salarin ang magkabilang panig ng sasakyan gamit ang baril na pinaniniwalaang kalibre 9mm, batay sa pitong basyo ng bala na narekober sa pinangyarihan.
Hindi nasaktan si Alyas Mark at kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 1 para sa karagdagang imbestigasyon.
Dalawang lalaking nakasuot umano ng itim na damit at maskara ang tinutukoy na mga suspek, na tumakas sakay ng itim na Honda XRM motorcycle.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga pulis habang nagpapatuloy ang crime scene processing at pagkuha ng mga CCTV footage upang matukoy at maaresto ang mga nasa likod ng krimen.

















