Pinanatili ng Commission on Elections o COMELEC En Banc ang naunang desisyon na kanselahin ang Certificate of Candidacy o COC ni Anwar Salipada Alamada, kandidato para sa Fifth Parliamentary District ng Maguindanao del Sur sa 2026 BARMM Parliamentary Elections.
Ito ay matapos tanggihan ng COMELEC En Banc ang Motion for Reconsideration ni Alamada laban sa naunang Resolution ng COMELEC Second Division na nagkansela sa kanyang COC.
Sa Resolution na ipinromulgate kahapon Agosto 27, sinabi ng COMELEC En Banc na nabigo si Alamada na patunayang kulang ang ebidensyang naging basehan ng naunang desisyon o na ito ay salungat sa batas.
Nag-ugat ang kaso sa petisyong inihain noong Mayo 21, 2026 ni Rafsanjani Pendatun Ali, na kumuwestiyon sa idineklarang residential address at haba ng paninirahan ni Alamada sa Purok 2, Barangay Kudal, Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa COMELEC, idineklara ni Alamada sa kanyang COC na 48 taon at 11 buwan na siyang naninirahan sa nasabing lugar.
Iniharap naman sa petisyon ang mga affidavit ng 13 saksi na pawang mga opisyal ng barangay at residente ng Barangay Kudal, na kumuwestiyon umano sa aktuwal na presensya at paninirahan ni Alamada sa lugar.
Sa naunang desisyon ng COMELEC Second Division noong Hulyo 1, napag-alaman nitong hindi napatunayan ni Alamada ang kanyang aktuwal na personal na presensya sa naturang address at itinuring na false material representation ang kanyang deklarasyon sa COC.
Dahil dito, ipinag-utos ng Second Division ang pag-deny ng due course at pagkansela sa COC ni Alamada para sa Fifth Parliamentary District ng Maguindanao del Sur.
Iginiit naman ng COMELEC En Banc na suportado ng kabuuan ng ebidensyang nasa rekord ang naging findings ng Second Division at wala umanong sapat na dahilan upang baligtarin ang naunang resolusyon.
Binigyang-diin din ng komisyon na hindi maaaring gamitin ang Motion for Reconsideration upang magpakita ng mga bagong ebidensya na maaari namang naiharap sa naunang proseso.
Sa kawalan umano ng ipinakitang pagkakamali sa batas o kakulangan sa ebidensya na maaaring maging basehan para baligtarin ang naunang desisyon, sinabi ng COMELEC En Banc na walang sapat na dahilan upang baguhin ang naging ruling ng Second Division.
Samantala, nakasaad din sa naunang Resolution na ipapasa sa Law Department ng COMELEC ang records ng kaso para sa preliminary investigation kaugnay ng election offense aspect nito.
Ang desisyon ay inilabas ilang linggo bago ang nakatakdang September 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections.

















