Nilinaw ng Commission on Elections o COMELEC kung paano ipamamahagi ang 40 Party Representation Seats para sa mga Regional Parliamentary Political Parties o RPPP sa Bangsamoro Parliament.

Ayon sa COMELEC Bangsamoro Elections Special Task Force o BEST Force, isasagawa ang allocation sa tatlong hakbang—Qualify, Proportion, at Remainder.

Sa Step 1 o Qualify, tanging mga RPPP na makakakuha ng hindi bababa sa 2.5 porsyento ng kabuuang valid votes para sa lahat ng RPPP ang kwalipikadong lumahok sa allocation ng party representation seats.

Sa Step 2 o Proportion, kukuwentahin ang bahagi o porsyento ng boto ng bawat kwalipikadong RPPP batay sa kabuuang boto ng lahat ng kwalipikadong RPPP. Ang makukuhang proporsyon ay imu-multiply sa 40 party seats, at ang resulta ay ira-round down sa pinakamalapit na buong bilang.

Kung may mga upuang hindi pa naipamahagi matapos ang Step 2, isasagawa ang Step 3 o Remainder. Ang mga natitirang upuan ay ipamamahagi nang tig-iisang seat sa mga kwalipikadong RPPP, ayon sa ranggo ng kanilang boto mula pinakamataas pababa, hanggang makumpleto ang 40 party representation seats.

Paalala rin ng COMELEC, isang Regional Parliamentary Political Party lamang ang maaaring piliin ng botante para sa party representation sa balota.