Habang patuloy na papalapit sa bansa ang Super Typhoon “Uwan”, inatasan ni Cotabato City Mayor Bruce “BM” Matabalao ang lahat ng barangay officials sa lungsod na tiyakin ang kahandaan at maagap na pagtugon upang maprotektahan ang mga residente laban sa posibleng epekto ng paparating na malakas na bagyo.

Ayon kay Mayor Matabalao, mahalagang mauna ang paghahanda bago pa lumala ang panahon. Aniya, “Ngayong may banta ng malakas na bagyo, dapat handa na agad ang bawat barangay. Ihanda ang mga evacuation sites, linisin ang mga kanal at daluyan ng tubig, at siguraduhing maabisuhan ang mga pamilyang nasa peligro. Huwag hintayin na lumala ang panahon bago kumilos.”

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ang bagyong Uwan ay inaasahang lalakas pa bilang super typhoon sa loob ng susunod na mga araw, na magdadala ng matitinding ulan, pagbaha, at malalakas na hangin, lalo na sa mga rehiyong posibleng maapektuhan ng bagyo.

Kaugnay nito, nagsagawa ngayong araw ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), katuwang ang mga kinatawan mula sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Office for Social Welfare and Development Services (OSWDS), Office of General Services (OGS), Office of Health Services (OHS), Health Emergency Management Section (HEMS), Bureau of Fire Protection (BFP), at City Engineer’s Office (CEO).

Bilang bahagi ng paghahanda, nakahanda na ang lahat ng assets at stockpiles ng City Government para sa agarang paggamit kapag kinakailangan. Magpe-preposition din ng heavy equipment sa paligid ng People’s Palace upang mapabilis ang pagresponde ng mga emergency team kung lumala ang lagay ng panahon.

Itinaas na ng CDRRMO ang alert status sa Blue Level, hudyat ng mas pinaigting na monitoring at preparasyon. Activated na rin ang key response clusters, habang ang Operations Center (OpCen) ay nasa 24-hour monitoring upang matiyak ang tuloy-tuloy na koordinasyon at mabilis na pagtugon.

Sakaling magkaroon ng mga insidente, agad na ia-activate ang Emergency Operations Center (EOC) upang mangasiwa sa mga ulat at magsagawa ng karagdagang response operations.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng Cotabato City Government at CDRRMO sa PAGASA, Ministry of the Interior and Local Government (MILG), at BARMM-READi upang matiyak ang maagang pagtugon at tamang impormasyon sa publiko hinggil sa lagay ng panahon.

Muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na manatiling alerto, i-monitor ang mga opisyal na abiso, at makipag-ugnayan sa barangay o sa CDRRMO hotlines para sa anumang emergency concern.

Ani Mayor Matabalao, “Ang kaligtasan ng bawat Cotabateño ang ating pangunahing prayoridad. Sa maagang paghahanda, masisiguro natin na walang maiiwan sa panahon ng sakuna.”