Nagpahayag ang central committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng pansamantalang tigil-putukan kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Batay sa pahayag ng grupo, ipatutupad ang ceasefire mula Disyembre 25 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 26 ngayong taon. Muli itong ipatutupad pagsapit ng Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 1 sa susunod na taon.

Sa loob ng itinakdang apat na araw, inatasan ang New People’s Army (NPA) na manatili sa “active defense mode” at nasa mataas na antas ng pagbabantay laban sa posibleng pag-atake sa lupa at himpapawid ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ayon kay CPP information officer Marco Valbuena.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang panig ng militar kaugnay ng deklarasyon ng rebeldeng grupo.

Ayon pa kay Valbuena, ang pansamantalang tigil-putukan ay inihayag bilang pakikiisa sa mamamayang Pilipino upang mabigyan ng pagkakataon ang isang payak na pagdiriwang ng mga tradisyunal na pista opisyal sa kabila ng patuloy na suliraning panlipunan at pang-ekonomiya sa bansa.

Dagdag pa niya, kasabay din ng naturang ceasefire ang paggunita sa ika-57 anibersaryo ng pagkakatatag ng CPP sa Disyembre 26.