Nagpaalala ang Cotabato City Transport and Traffic Management Center (CTTMC) sa mga pampasaherong driver na mahigpit na sundin ang itinakdang fare matrix, kasunod ng sunod-sunod na ulat ng sobra-sobrang paniningil ng pasahe sa ilang ruta sa lungsod.
Ayon kay CTTMC Chief Moin Nul, umabot sa tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao ang reklamo ng mga pasahero, partikular sa mga rutang Super papuntang Awang-Highway, at Town proper patungong Awang-Highway, maging ang pabalik na biyahe.
Bilang tugon, agad na inatasan ng alkalde si Nul na makipag-ugnayan kay Bangsamoro LTFRB Director Jobayra Tandalong upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng tamang pasahe. Sa naging pulong ng dalawang opisyal, muling ipinaalala sa mga tsuper ang kahalagahan ng pagsunod sa itinakdang fare matrix.
Hinimok din ng CTTMC ang mga pasahero na agad ireport ang anumang insidente ng overcharging. Hinihikayat ang publiko na kuhanan ng larawan ang sinakyang sasakyan, kasama ang plate number, at isumite ito sa opisina ng CTTMC na matatagpuan sa likod ng Cotabato City People’s Palace.
Binigyang-diin ni Nul na hindi palalagpasin ng lungsod ang mga drayber na mapatutunayang nananamantala sa kanilang mga pasahero.