Matagumpay na nasamsam ng Maguindanao del Norte PPO ang pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng ₱427,840 at naaresto ang dalawang suspek sa isang intelligence-driven checkpoint operation noong bandang alas-7 ng umaga ng Marso 10, 2026 sa Cotabato–Shariff Aguak Road, Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Pinangunahan ang operasyon ng Datu Odin Sinsuat MPS sa pamumuno ni PCPT Klyde John O. Albores, Deputy Chief of Police for Operations, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Special Operations Group (PDEU/PSOG-MDN).
Ang mga suspek, isang 41-anyos na driver at isang 20-anyos na tricycle driver, parehong residente ng Cotabato City, ay nahuli habang nagtatransport ng 10 kahon ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na may label na “FOR EXPORT ONLY – New Berlin,” katumbas ng 500 reams, gamit ang isang puting Toyota Hilux Tamaraw 2.4 FX.
Walang maipakitang legal na dokumento ang mga suspek tulad ng import permits o iba pang kinakailangang papeles para sa transportasyon ng produkto. Agad ding ipinaalam sa Bureau of Customs (BOC) ang insidente, at nasaksihan ang apprehension sa pamamagitan ng video conference. Ang inventory at marking ng ebidensya ay isinagawa sa mismong lugar ng pagkakaaresto sa harap ng mga suspek, isang halal na barangay official, at kinatawan ng media.
Pinuri ni PCOL George D. Bagundol, Jr., Acting Provincial Director ng MDN PPO, ang mga operatiba sa matagumpay na checkpoint at muling tiniyak ang kanilang patuloy na kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad upang maprotektahan ang probinsya at mapanatili ang rule of law.

















