Sugatan ang dalawang lalaking nagtatrabaho sa isang tindahan ng liquefied petroleum gas o LPG matapos masunog ang establisimyento sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kagabi, Oktubre 14.
Batay sa ulat, bandang alas-9:28 ng gabi nang makarinig ang mga residente ng malalakas na pagsabog at makitang nagliliyab ang tindahan na nagtitinda ng LPG.
Agad na rumesponde ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Barangay Chairman Abdulhamid Abas, kasama ang ilang residente, upang ilabas ang iba pang malalaking tangke ng LPG mula sa nasusunog na establisimyento.
Dumating din ang mga fire truck mula sa Datu Odin Sinsuat, Cotabato City, Kabuntalan at Shariff Aguak upang tumulong sa pag-apula ng apoy, na tuluyang naapula bandang alas-10:31 ng gabi.
Ayon kay Abas, nagtamo ng second-degree burns ang dalawang lalaki habang nagluluto at nagre-refill ng butane, na hinihinalang pinagmulan ng sunog.
Personal ding dinala ni Abas ang dalawa sa Datu Odin Sinsuat District Hospital upang matiyak na mabibigyan sila ng kaukulang atensiyong medikal, at binigyan din ng kaunting tulong pinansyal.
Nagpasalamat naman ang opisyal sa mga fire station mula sa karatig na bayan at Cotabato City sa agarang pagresponde sa insidente.

















