Naharang ng magkasanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at iba pang airport security units ang dalawang babaeng Pilipinang pasahero matapos makumpiskahan ng hinihinalang ilegal na droga sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City noong Mayo 6, 2026.
Ayon sa ulat, dumating ang dalawang suspek sakay ng isang international commercial flight mula Phnom Penh, Cambodia dakong alas-4:41 ng madaling araw. Nabatid na unang naispatan ng mga tauhan ng BOC X-ray unit ang kahina-hinalang laman ng dalawang bagahe habang dumaraan ito sa Arrival Lobby X-Ray Area.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad, natuklasan ang ilang pakete ng puting kristalinong sangkap na nakatago sa improvised carbon-paper pouches sa loob ng mga maleta. Kinumpirma naman ng K9 inspection na ilegal na droga ang laman nito dahilan upang agad na makipag-ugnayan ang BOC sa PNP Aviation Security Unit-NCR, PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG), at PDEA.
Nagpositibo sa Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang isinagawang field test sa mga nakuhang ebidensya. Agad ding inaresto ang dalawang pasahero habang isinailalim sa inventory at dokumentasyon ang mga nakumpiskang kontrabando bago ito itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.
Umaabot sa humigit-kumulang 8,324 gramo ng shabu na may standard drug price na ₱56,603,200 ang nasamsam sa operasyon. Ayon sa mga awtoridad, nakatago ang droga sa dalawang maleta isang itim na suitcase na naglalaman ng tinatayang 4,506 gramo ng shabu na hinaluan ng coffee powder at iba pang gamit, at isang dark gray na suitcase na may tinatayang 3,818 gramo ng hinihinalang shabu na itinago kasama ng brown powder at personal na kagamitan.
Bukod sa ilegal na droga, nasamsam din ang iba’t ibang identification documents, passports, boarding passes, mga cellphone, at iba pang personal na gamit bilang non-drug evidence.
Sinabi ng PNP na patunay ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na border control measures sa mga pangunahing paliparan ng bansa upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga mula sa ibang bansa.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan.
“Every successful interception of illegal drugs at our ports of entry protects countless Filipino families from harm. We will continue to strengthen our border protection efforts against drug trafficking networks,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, “Hindi natin palalagpasin ang anumang pagtatangka na magpasok ng ilegal na droga sa ating bansa. Ang kapulisan ay patuloy na magbabantay at kikilos laban dito.”
Patuloy namang tiniyak ng PNP ang kanilang kampanya laban sa illegal drug trafficking alinsunod sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

















