Sumuko ang sampung (10) indibidwal na kinilalang mga tagasuporta ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa headquarters ng Regional Mobile Force Battalion 9 (RMFB 9) sa Zamboanga City.
Pawang residente ang mga ito mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Sulu, kabilang ang Maimbung, Tapul, Indanan, at Jolo. Sa pangunguna ng RMFB 9, katuwang ang Sulu Police Provincial Office (PPO), naisakatuparan ang hakbang na ito bilang bahagi ng inisyatiba para sa reintegrasyon at rehabilitasyon ng mga dating tagasuporta ng grupo.
Binigyan rin sila ng paunang tulong-pinansyal upang makapagsimula muli at maging produktibong miyembro ng lipunan.
Isinuko naman ng mga sumuko ang 32 iba’t ibang klase ng baril kabilang ang iba’t ibang kalibre, mga bala, improvised weapons, at ilang homemade submachine guns.