Kinuwestiyon ng dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cotabato City and Maguindanao Chapter na si Atty. Frances Cynthia J. Guiani ang isang legal opinion na ipinahayag sa radyo at social media kaugnay ng pagkakatalaga kay Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.

Sa pahayag, nilinaw ni Atty. Guiani na ang naturang opinyon ay personal na pananaw umano ni Atty. Bai Dona Dilangalen at hindi maaaring ituring na opisyal na posisyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon kay Guiani, walang naging konsultasyon, resolusyon, o anumang mandato mula sa mga miyembro ng IBP upang gamitin ang pangalan ng organisasyon sa naturang usapin.

Iginiit niya na bagama’t may kalayaan ang bawat abogado na magpahayag ng kanilang legal na pananaw, hindi aniya dapat iugnay ang mga personal na opinyon sa buong samahan nang walang pahintulot.

Bukod sa usapin ng paggamit sa pangalan ng IBP, binigyang-diin din ni Guiani ang mga implikasyon ng pagkakatalaga kay Macacua bilang interim chief minister sa gitna ng kanyang indefinite suspension bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa pamamagitan ng resolusyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee.

Ayon kay Guiani, hindi dapat tingnan ang naturang usapin bilang simpleng paggamit lamang ng kapangyarihan ng Pangulo sa paghirang ng mga opisyal dahil may mas malawak itong konteksto na may kaugnayan sa Bangsamoro peace process.

Ipinaliwanag niya na ang MILF ay isa sa mga pangunahing partido sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ang BIAF ay bahagi ng mga mekanismong nakapaloob sa proseso ng normalisasyon at seguridad sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan.

Dahil dito, sinabi ni Guiani na may mga tanong umanong dapat suriin hinggil sa posibleng epekto ng naturang appointment sa pagkakaisa ng liderato ng MILF at sa implementasyon ng ilang bahagi ng peace agreement.

Binigyang-diin din niya na ang mga pahayag ukol sa legalidad ng appointment ay dapat isaalang-alang hindi lamang sa pananaw ng batas kundi pati sa mas malawak na epekto nito sa kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro.

Patuloy namang nananatiling sentro ng pampublikong diskusyon ang usapin ng liderato sa Bangsamoro at ang mga implikasyon nito sa pagpapatuloy ng peace process at nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.