Patay sa pamamaril ang dating alkalde ng Lumbaca Unayan, Lanao del Sur na si Abdulazis Tadua Aloyodan, 60 taong gulang, ngayong umaga ng Pebrero 26, 2025 malapit sa municipal hall ng naturang bayan.
Ayon sa ulat, bandang 7:36 AM, nakatayo ang biktima sa motor pool sa harap ng kanyang bahay na malapit sa municipal hall nang biglang sumulpot ang isang puting pick-up na sasakyan. Agad na pinaputukan ng mga hindi pa nakikilalang salarin si Aloyodan, na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa lugar ng krimen, narekober ang tatlong (3) basyo ng bala ng caliber 7.62 at anim (6) mula sa caliber 5.56. Agad namang isinugod ang biktima sa Dr. Nasser Clinic sa Malabang, LDS, ngunit idineklara siyang Dead on Arrival (DOA) ng mga doktor.
Patuloy pa rin ang hot pursuit operation at masusing imbestigasyon ng mga awtoridad mula sa Lumbaca Unayan Municipal Police Station at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur PPO upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.