‎Kinilala ni former MBHTE Minister Mohagher Iqbal ang naging desisyon ni BARMM Interim Chief Minister Abduraof Macacua na tanggalin siya bilang Minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE epektibo noong Mayo 18, 2026.

‎Sa inilabas na pahayag ni Iqbal, sinabi nitong ang pangunahing dahilan umano ng kaniyang pagkakatanggal ay ang pagkawala ng tiwala at kumpiyansa ng Chief Minister sa kaniyang liderato.

‎Gayunman, iginiit ni Iqbal na isinagawa umano ang kaniyang dismissal nang walang due process at hindi siya nabigyan ng sapat na panahon upang maisagawa ang maayos na turnover ng mga tungkulin at dokumento ng ahensya.

‎Ayon pa kay Iqbal, nakatakda sana ang opisyal na turnover ng MBHTE noong Mayo 19 ngunit hindi na umano ito natuloy matapos na agad akuin ni Macacua ang pamumuno sa ahensya noong hapon ng Mayo 18.

‎Binigyang-diin din ni Iqbal na bagama’t may kapangyarihan ang Chief Minister na magtanggal ng opisyal, dapat pa rin umanong pairalin ang rule of law at constitutional guarantees sa due process.

‎Sa kabila nito, sinabi ni Iqbal na wala siyang intensyong kumapit sa posisyon lalo na kung wala na siyang tiwala mula sa liderato ng BARMM government.

‎Nanawagan din siya ng sobriety, restraint, at pagkakaisa sa gitna ng umiinit na usapin habang papalapit ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

‎Hinimok din ni Iqbal ang publiko at international community na patuloy na suportahan ang peace process at pangalagaan ang mga napagtagumpayan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.