Nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na kabilang sa Regional Operations Command ng Far South Mindanao Region (FSMR) matapos itong boluntaryong sumuko sa bayan ng Kiamba, Sarangani.
Kinilala lamang sa alyas na Peter ang dating rebelde na isinuko rin sa mga awtoridad ang isang Bushmaster-marked MA-type rifle. Pormal siyang iniharap sa Municipal Hall ng Kiamba kay Mayor George F. Falgui nitong Hulyo 16, matapos ang kanyang pagsuko noong Hunyo 12, 2026.
Pinangasiwaan ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade at 105th Infantry (Saifullah) Battalion ang presentasyon ng nagbalik-loob. Sa kasalukuyan, sumasailalim siya sa profiling, custodial debriefing, at dokumentasyon bilang paghahanda sa posibleng pagpasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Sa paunang debriefing, sinabi ng dating rebelde na nagpasya siyang sumuko matapos ang engkwentrong naganap sa Sitio T’bol, Barangay Laconon, T’boli, South Cotabato noong Abril 9, kung saan nasawi ang dalawa niyang kasamahan. Ayon pa sa kanya, nabigo rin ang grupo na matupad ang ipinangakong tulong sa kanilang lupang sakahan, na isa umano sa mga dahilan kung bakit siya sumapi sa armadong kilusan.
Samantala, tiniyak ni Kiamba Mayor George F. Falgui ang suporta ng lokal na pamahalaan at hinikayat ang nagbalik-loob na samantalahin ang mga benepisyo ng E-CLIP, kabilang ang livelihood assistance upang makapagsimula ng mapayapa at produktibong pamumuhay kasama ang kanyang pamilya.
Nagpaabot naman ng pagkilala si 603rd Infantry Brigade Acting Commander Colonel Glenn Loreto T. Caballero, sa pamamagitan ni Lieutenant Colonel Michael Angelo Q. Candole, sa mga tropa ng 105th Infantry Battalion sa kanilang patuloy na operasyon para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Patuloy namang hinihikayat ng Philippine Army ang iba pang miyembro ng CTG na magbalik-loob sa pamahalaan at makiisa sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa kanilang mga komunidad.

















