Umabot na sa hindi bababa sa 160 ang bilang ng mga nasawi matapos hagupitin ng matinding flash flood ang ilang komunidad sa Nepal at mga lugar sa hangganan nito sa Tibet.

Bukod sa mga nasawi, daan-daang katao pa ang hindi matukoy ang kinaroroonan habang nagpapatuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad.

Sa datos ng Nepal Ministry of Tourism, nasa 403 turista ang hindi pa rin matagpuan, kabilang ang 341 dayuhan, habang 28 police personnel ang kabilang din sa mga nawawala.

Samantala, iniulat ng mga awtoridad sa China na tatlo ang nasawi at 265 ang nawawala sa bahagi ng Gyirong County sa Tibet matapos tamaan ng malawakang pagguho ng lupa.

Dahil sa mudslide, naputol ang ilang pangunahing daanan at naapektuhan din ang komunikasyon at suplay ng kuryente sa lugar.

Malaki rin ang naging epekto ng baha sa power supply ng Nepal matapos masira ang tinatayang 430 megawatts na kapasidad mula sa mga hydropower at solar facility.

Nanawagan naman ng pagkakaisa si Nepal Prime Minister Balendra Shah at humingi ng tulong sa India at China para sa rescue, search at evacuation efforts.

Samantala, ipinagpapatuloy ng Nepal Army at iba pang rescue teams ang operasyon gamit ang mga helicopter at specialized units upang mahanap ang mga nawawala at mailigtas ang mga residenteng naapektuhan ng sakuna.