Inihain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasong kriminal laban sa kumpanya sa likod ng Monterrazas residential project sa Cebu City, matapos itong masabing lumabag sa ilang probisyon ng batas pangkalikasan.
Ayon kay DENR Assistant Secretary for Legal Affairs and Enforcement Atty. Norlito Eneran, naisampa ang kaso noong Disyembre 3, 2025, dahil sa paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code. Ito ay may kinalaman sa umano’y ilegal na pag-aari at paggamit ng mga kagamitan na dapat ay para sa forest officers.
Ang naturang paglabag ay may parusang dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong, multa mula ₱1,000 hanggang ₱10,000, pagkumpiska ng mga gamit, at awtomatikong pagkakansela ng permit o lisensya.
Noong Nobyembre, iniulat ng DENR na may tatlong pangunahing paglabag na naitala sa konstruksyon ng Monterrazas project at retention pond nito. Isa rito ay ang malawakang pagputol ng mga puno, kung saan sa higit 700 puno noong 2022, 11 na lamang ang natira matapos makuha ang tree-cutting permit.
Bukod dito, umano ring lumabag ang proyekto sa mga probisyon ng Presidential Decree 1586 o Philippine Environmental Impact Statement System, at hindi umano nakakuha ng tamang discharge permit alinsunod sa Philippine Clean Water Act of 2004. Ayon sa DENR, ang planong retention pond at 15 iba pang istruktura para sa pag-ipon ng ulan ay hindi sapat.
Dagdag pa rito, sampu sa 33 Environmental Compliance Certificates (ECCs) ng proyekto ang hindi nasunod, ayon sa DENR.
Sa panig ng Mont Property Group, itinanggi nila ang alegasyon na pinutol ang higit 700 puno. Ayon sa kanila, tanging shrubs at maliit na halaman lamang ang inalis upang mapadali ang earthworks, at ang isinumiteng Environmental Impact Statement ay nagpakita na karamihan sa lugar ay damuhan at maliit na halaman, hindi angkop sa agrikultura.
Naging sentro ng batikos ang proyekto nang ipanukala na nagdulot ito ng pag-apaw sa ilang bahagi ng Cebu City dulot ng bagyong Tino. Pinaliwanag ng kumpanya na ang apektadong lugar ay nasa ibang drainage basins at natural waterways, at ang Monterrazas de Cebu sa Barangay Guadalupe ay ilang kilometro lamang ang layo mula sa pinakamalalang baha sa Liloan, Mandaue, at Talisay.

















