Nakatakdang ipatupad ng Department of Education o DepEd ang dalawang araw na Wellness Break para sa mga guro sa Setyembre 14 at 15, 2026, kasunod ng unang termino ng school year.

Batay sa memorandum na inilabas ni Education Secretary Sonny Angara noong Setyembre 8, ang naturang Wellness Break ay alinsunod sa DepEd Order No. 009, Series of 2026, na nagtatakda ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng three-term school calendar sa basic education.

Layunin ng dalawang araw na break na mabigyan ng panahon ang mga guro na makapagpahinga, makabawi sa pagod, at asikasuhin ang kanilang personal na kapakanan bago magsimula ang susunod na termino.

Binigyang-diin ng DepEd na dapat igalang at maprotektahan ang dalawang araw bilang tunay na pahinga para sa mga guro.

Kabilang dito ang pagbabawal sa pag-require sa mga guro na dumalo o magsagawa ng mga meeting, training, Learning Action Cell sessions, school activities, reporting, submissions, asynchronous deliverables at iba pang opisyal na gawain sa panahon ng Wellness Break.

Hinimok din ng kagawaran ang mga school heads at field officials na maging maingat sa pag-iskedyul ng mga aktibidad bago at pagkatapos ng break upang mapanatili ang layunin nito.

Inatasan naman ang lahat ng kinauukulan na agad ipalaganap at mahigpit na ipatupad ang naturang memorandum.