Isang drug den ang tuluyang nawasak matapos ang matagumpay na buy-bust operation sa Pamaran Village, Purok Digong, Barangay Malinis, Lamitan City, Basilan noong Marso 7, 2025.
Anim (6) na indibidwal, kabilang ang operator ng drug den, ang naaresto sa naturang operasyon.
Isinagawa ang anti-drug operation sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA RO BARMM) Basilan Provincial Office, Lamitan City Police Station, 18th Infantry Battalion ng Philippine Army, 1st Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 14-Basilan, at Philippine Coast Guard.
Ayon kay PDEA Director Gil Cessrio P. Castro, patuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon. Pinuri rin niya ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Lamitan, sa pangunguna ni Mayor Orick Furigay, pati na rin ang iba pang ahensya ng gobyerno na tumutulong sa pagsugpo ng ipinagbabawal na gamot.
Sa operasyon, nakumpiska ang 22 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 12 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱81,600.00. Nakuha rin ang buy-bust money, iba’t ibang drug paraphernalia, anim na cellphone, at ilang identification cards.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina:
- Alias Popoy, 34 taong gulang (operator ng drug den)
- Alias Dodong, 45 taong gulang
- Alias Janjan, 40 taong gulang
- Alias Wi, 28 taong gulang
- Alias Mar, 35 taong gulang
- Alias Vincent, 25 taong gulang
Lahat ng suspek ay residente ng lugar at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.Drug Den sa Basilan, Nilusob; Operator at 5 Kasabwat, Arestado sa Buy-Bust