Sinira ang isang drug den at apat na katao ang naaresto matapos isagawa ang buy-bust operation sa Barangay Baka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Linggo, Agosto 23, 2026.
Pinangunahan ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office ang operasyon, katuwang ang PDEA BARMM Land Transportation Interdiction Unit, Regional Special Enforcement Team, PDEA BARMM Lanao del Sur, Regional Intelligence Unit 15, 14th Mechanized Company ng 1st Mechanized Battalion, Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station at PDEG Special Operations Unit 15.
Ayon sa initial report, nasa 21.5 gramo ang kabuuang timbang ng hinihinalang shabu na nakumpiska, na tinatayang nagkakahalaga ng 146,200 pesos batay sa standard value.
Kabilang sa nakumpiska ang dalawang sachet na naglalaman ng tinatayang kalahating gramo ng hinihinalang shabu, gayundin ang 16 pang sachet na may tinatayang 21 gramo ng naturang kontrabando.
Nasamsam din ang isang kalibre .45 na baril na may magazine at anim na bala, isang cellphone, buy-bust money at iba pang hinihinalang drug paraphernalia.
Kinilala ang mga naaresto bilang sina alyas Manding, 53, alyas Bai, 55, alyas Samir, 21; at alyas Mauhaj, 20.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng operasyon at iba pang posibleng pananagutan ng mga naaresto.

















