Nabulabog ang paligid ng crossing South Manuangan sa bayan ng Pigcawayan kahapon matapos araruhin ng isang dump truck ang detachment ng militar, pasado alas-siyete y medya ng umaga, Agosto 8, 2025.

Ayon sa Pigcawayan Municipal Police Station, nawalan ng preno ang dump truck habang tinatahak ang national highway. Nawalan umano ng kontrol ang drayber at dumiretso sa mismong harapan ng detachment, na ikinagulat ng mga sundalong naka-duty.

Isang batang lalaki ang bahagyang nasugatan matapos masagi ng sasakyan. Gasgas lamang ang tinamo nito at agad nabigyan ng paunang lunas. Sa kabutihang-palad, walang naitalang nasawi.

Sa isang panayam kay PSMS Maquiling, traffic investigator ng Pigcawayan PNP, posible umanong brake malfunction ang dahilan ng aksidente ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan, kabilang na ang posibleng kapabayaan sa panig ng drayber.

Dahil sa lakas ng impact, nasira ang ilang bahagi ng istruktura ng detachment at nadamay ang mesa, upuan, at communication devices. Pansamantalang isinara ang bahagi ng kalsada para sa clearing operations.

Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang drayber habang inihahanda ang mga posibleng kaso. Nagpaalala naman ang kapulisan sa mga motorista, lalo na sa mga may malalaking sasakyan, na regular na magsagawa ng maintenance at laging maging alerto sa daan upang maiwasan ang kaparehong insidente.