Naglabas ng Notice to Explain ang Bangsamoro Attorney General’s Office laban sa isang opisyal ng Schools Division ng Maguindanao del Norte kaugnay ng umano’y paglahok nito sa emergency rally sa labas ng Bangsamoro Government Center sa Cotabato City habang oras ng trabaho.

Sa dokumentong may petsang Mayo 18, 2026, inatasan si Officer-in-Charge Assistant Schools Division Superintendent ng Division of Maguindanao del Norte na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng 48 oras kung bakit hindi siya dapat papanagutin administratibo kaugnay ng umano’y pagdalo sa naturang pagtitipon.

Batay sa notice, iniimbestigahan kung personal itong dumalo at lumahok sa rally na nananawagan ng implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at may kaugnayan din sa panawagang pagbibitiw sa pinuno ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education.

Kabilang sa hinihinging paliwanag ang umano’y naging papel nito sa rally, kung may pahintulot o approved leave habang wala sa opisina, at kung anong hakbang ang ginawa upang hindi maantala ang operasyon at serbisyo ng tanggapan.

Ayon pa sa Bangsamoro Attorney General’s Office, ang hindi pagsusumite ng paliwanag sa itinakdang panahon ay maaaring ituring na pagtalikod sa karapatang marinig at magsilbing basehan ng kaukulang aksyon batay sa mga umiiral na rekord.