Inanunsyo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ na isasagawa ang opisyal na moon sighting o pagmamasid sa buwan para sa pagdiriwang ng Eid’l Fit’r sa ika-19 ng Marso 2026 sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Ang naturang aktibidad ang magiging batayan sa pormal na pagdeklara ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadhan para sa mga Muslim sa Bangsamoro.
Pangungunahan ang moon sighting ng Bangsamoro Mufti na si Sheikh Abdulrauf A. Guialani, na inaasahang maglalabas ng opisyal na pahayag kung kailan ipagdiriwang ang Eid’l Fit’r, batay sa magiging resulta ng pagmamasid sa buwan.
Ang Eid’l Fit’r ay isang mahalagang pagdiriwang ng mga Muslim sa buong mundo na sumisimbolo sa pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno, pananalangin, at paggawa ng kabutihan sa panahon ng Ramadhan.

















