Patuloy na binabantayan ng publiko at mga kinauukulang ahensya ang paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na nakatakdang isagawa sa Setyembre 14, 2026.

Itinuturing ang nalalapit na halalan bilang mahalagang yugto sa transisyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) tungo sa ganap na pagpapatakbo ng sarili nitong pamahalaan sa ilalim ng parliamentary system.

Sa isinagawang Bangsamoro Parliamentary Election Forum sa himpilan ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City, muling tiniyak ni Commission on Elections Chairman George Garcia na walang umiiral na legal na hadlang upang maituloy ang halalan ayon sa itinakdang iskedyul.

Ayon kay Garcia, apat na beses nang naipagpaliban ang Bangsamoro elections sa mga nakalipas na taon. Aniya, wala ring Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema at wala pang batas na nagpapahintulot sa panibagong postponement ng halalan.

Bagama’t may mga nakabinbing panukalang batas sa Kongreso na may kaugnayan sa Bangsamoro elections, sinabi ni Garcia na nasa kapangyarihan ng lehislatura ang pagpapasya hinggil sa mga ito. Gayunman, iginiit niyang magpapatuloy ang Comelec sa lahat ng paghahanda hangga’t walang bagong batas na ipinatutupad.

Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng Comelec sa mga security forces at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos, mapayapa, at kapani-paniwalang pagsasagawa ng halalan. Kabilang sa mga isinasagawang preparasyon ang mga command conference, coordination meetings, at operational planning activities.

Ang 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections ay isa sa mga pangunahing hakbang sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law o BOL. Sa naturang halalan, unang ihahalal ng mga botante ang mga miyembro ng Bangsamoro Parliament na mamumuno sa rehiyon sa ilalim ng parliamentary form of government.

Samantala, patuloy ang panawagan ng iba’t ibang sektor na matiyak ang maayos na pagpapatuloy ng peace process at mga repormang nakapaloob sa BOL habang papalapit ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro.