Naglabas ng abiso ang Metro Cotabato Water District kaugnay ng pansamantalang pagkawala at paghina ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Cotabato City ngayong Lunes, Abril 13, 2026. Ayon sa ahensya, mararanasan ang water service interruption mula alas-11:30 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, kung saan posibleng makaranas ng low pressure hanggang sa kawalan ng tubig ang mga residente.

Isinasagawa ang naturang emergency repair dahil sa nasirang 2-inch uPVC pipe na tinamaan umano ng backhoe sa kahabaan ng Pansacala Street sa Rosary Heights 10. Dahil dito, kinakailangang pansamantalang isara ang valve upang maisagawa ang pagkukumpuni.

Kabilang sa mga maaapektuhan ng nasabing abiso ang mga residente sa Pansacala Street at Delcano Street na parehong sakop ng Rosary Heights 10.

Samantala, tiniyak ng MCWD na sisikapin ng kanilang maintenance team na matapos agad ang pagkukumpuni upang maibalik ang normal na suplay ng tubig sa lalong madaling panahon. Humihingi naman ng paumanhin ang ahensya sa abalang dulot nito at pinapayuhan ang publiko na mag-imbak ng sapat na tubig habang isinasagawa ang repair activity.