Suspendido ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa Cotabato City simula Marso 11, 2026, bilang paggalang sa paggunita ng huling sampung araw ng Ramadan.
Ayon sa advisory na inilabas ng tanggapan ni Mayor Bruce “BM” Matabalao, ipatutupad muna ang asynchronous classes upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante, guro, at pamilya na makiisa sa espirituwal na pagdiriwang ng mahalagang yugto ng Ramadan.
Ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan na ang huling sampung araw ng Ramadan ay may malaking kahalagahan sa Islam, dahil ito ang panahon ng mas masidhing panalangin, pagninilay, at paghingi ng awa at biyaya.
Hiniling din ng pamahalaang lungsod ang pang-unawa at kooperasyon ng publiko habang ginugunita ng mga Muslim ang mga sagradong araw na ito.
Nilinaw ng lokal na pamahalaan na ang advisory ay sumasaklaw sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa Cotabato City, habang ang mga pribadong paaralan naman ay may kalayaang magpasya sa sariling kaayusan ng kanilang mga klase.

















