Pormal nang isinalin ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform of BARMM o MAFAR BARMM ang 9.46 kilometro na farm to market roads kabilang na ang dalawang tulay sa lokal na pamahalaan ng Talayan sa Maguindanao del Sur.
Pinondohan ng Worldbank ang proyekto na nagkakahalaga ng halos P200 milyong piso. Sakop ng naturang farm to market road ay ang apat na barangay ng Tamar, Marader, Lanting at Fukol sa nasabing bayan.
Ang pagsasalin ay pinangunahan ni MAFAR Minister Dr. Mohammad Yacob na sya ring Project Director ng Philippine Rural Development Project o ang PRDP BARMM.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi nitong ang tulay sa isang maunlad na lugar ay ang maayos na farm to market road. Makakatulong aniya ito na mapalago ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga farm inputs, farm machineries at iba pang mga makabagong istilo at pamamaraan ng pagsasaka.
Labis naman ang pagpapasalamat ng mga magsasaka ng apat na barangay na makakabenepisyo sa naturang mga daan. Maliban anya sa sariwa ang kanilang maipapamahagi, malaki ang matitipid nila sa travel costs. Dinaluhan ng ibat-ibang matataas na opisyal sa lalawigan, bayan, barangay at rehiyon ang naturang pagsasalin o turn over.