Hinahanap ng pamilya ang Filipino doctor na si Juan Carlos Manalo matapos itong mawalan ng kontak sa kanyang mga kaanak kasunod ng flash flood sa hangganan ng Nepal at Tibet nitong Agosto 26, 2026.

Huling nakipag-ugnayan si Manalo sa kanyang pamilya noong Agosto 25, alas-1:21 ng hapon, Philippine time, o alas-11:06 ng umaga sa Nepal.

Ayon sa kanyang pamilya, kasama ang doktor sa Isha Sadghuru group para sa isang Kailashyatra tour nang mangyari ang sakuna.

Huling namataan ang grupo sa Immigration Office sa Gyirong, bago tuluyang nawalan ng komunikasyon.

Dahil dito, nanawagan ang pamilya Manalo sa sinumang may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng doktor at ng kanyang mga kasama na makipag-ugnayan sa kanila.

Maaaring tawagan sina Jose Rodrigo Manalo sa 0917 302 3077, Dinah Marie Manalo sa 0917 514 3465, at Chiara Manalo sa 0917 791 7849.

Hiniling din ng pamilya ang patuloy na panalangin para sa ligtas na pagbabalik ni Manalo at ang tulong ng mga kinauukulang ahensya sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Nepal para sa nagpapatuloy na search and rescue operations.