Dumalo ang mga Bangsamoro Emerging Content Creators mula sa iba’t ibang lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isang First-Hand Voter’s Education na ginanap sa Camp Darapanan bilang bahagi ng paghahanda sa responsableng pakikilahok sa halalan.

Tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng tamang paggamit ng social media at ang papel ng mga content creator sa pagpapakalat ng beripikado at makatotohanang impormasyon, lalo na sa panahon ng halalan. Binigyang-pansin din ang epekto ng maling impormasyon sa paghubog ng opinyon ng publiko at ang kahalagahan ng fact-checking bago magbahagi ng nilalaman sa mga online platform.

Kasama rin sa mga naging paksa ang kasaysayan ng Bangsamoro at ang kahalagahan ng paglalahad ng mga impormasyon na nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa sa mga pangyayaring humubog sa rehiyon.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni MP Mohagher Iqbal na may mahalagang tungkulin ang mga content creator sa pagbibigay ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon sa publiko. Aniya, dapat gamitin ang mga digital platform upang makatulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng mamamayan at maiwasan ang paglaganap ng maling impormasyon.

Ang voter’s education ay bahagi ng mga inisyatibang naglalayong palakasin ang kamalayan ng mga first-time voters at mga digital content creator hinggil sa kanilang responsibilidad bilang mga tagapagbahagi ng impormasyon at bilang aktibong mamamayan sa demokratikong proseso.