Mariing itinanggi ng dating Cotabato City Mayor Atty.  Cynthia Guiani ang mga kumakalat na espekulasyon na umano’y naghahangad itong tumakbo sa nalalapit na BARMM parliamentary elections.‎‎

Sa kanyang mahabang pahayag, nilinaw ng abogado na hindi ito kailanman humingi ng Certificate of Nomination and Acceptance o CONA mula sa anumang political party at wala rin umano itong idineklarang intensyong kumandidato sa anumang posisyon.‎‎

Ayon dito, mali at walang basehan ang mga tsismis na kumakalat sa social media at ilang political circles hinggil sa umano’y pagpasok nito sa politika.‎‎

Iginiit din ng abogado na ayaw nitong maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng malalaking personalidad sa Bangsamoro, dahilan upang hindi umano nito ikonsidera ang pagtakbo kahit bilang independent candidate.‎‎

Binigyang-diin pa nito na mas mahalaga ang prinsipyo kaysa personal na ambisyon at nananatili itong nakatuon sa pagsusulong ng katotohanan at tamang impormasyon.

‎‎Tinalakay rin ng abogado ang usapin ng umano’y gerrymandering kaugnay ng districting sa Cotabato City, ngunit sinabi nitong hindi nito responsibilidad na magsampa ng kaso kaugnay rito sa Korte Suprema.

‎‎Sa huli, nanawagan ito sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at hintayin ang opisyal na katotohanan bago magbigay ng konklusyon.‎