Kasunod ng pagpasa ng Resolution No. 2025-08, pinagtibay ng Games and Amusements Board (GAB) ang kanilang ganap na suporta sa inaabangang boxing match sa pagitan ni PNP Chief Nicolas D. Torre III at Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Ayon sa resolusyon, handang tumugon ang GAB sa anumang hiling mula sa dalawang kampo, kabilang na ang:

Pagtatalaga ng kwalipikado at akreditadong referee na mamamagitan at magpapatupad ng mga patakaran ng boxing sa nasabing laban;

Pagpapadala ng medical team na binubuo ng lisensyadong mga doktor at paramedics, upang magbigay ng agarang atensyong medikal sakaling may aberya o injury na mangyari habang isinasagawa ang laban.

Binibigyang-diin ng GAB na ang kaligtasan ng mga kalahok ang pangunahing prioridad, kasabay ng pagsiguro na ang laban ay magiging patas, ligtas, at alinsunod sa mga regulasyong umiiral sa professional boxing sa bansa.

Nakasaad rin sa dokumento na ipapadala ang kopya ng resolusyon sa opisina nina PNP Chief Torre at Acting Mayor Duterte bilang opisyal na sanggunian at batayan ng koordinasyon.

Nilagdaan ang resolusyon ngayong ika-25 ng Hulyo 2025 sa Lungsod ng Makati nina GAB Chairman Atty. Francisco J. Rivera, Commissioners Atty. Manuel B. Plaza III at Angel P. Bautista, at pinagtibay ng Acting Board Secretary Mark Anthony D. Libunao.

Sa pamamagitan ng resolusyong ito, patuloy na pinangangalagaan ng GAB ang integridad ng sports sa bansa, habang sinusuportahan ang mga inisyatibang naglalayong isulong ang discipline, sportsmanship, at physical wellness ng bawat Pilipino.