Patay ang isang 53-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek habang nangangalap ng ginto sa Hijo River sa Purok 6B, Barangay Apokon, Tagum City, kahapon, June 25.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Tagum City Police Station, kasama ng biktima ang kaniyang live-in partner nang mangyari ang insidente. Habang nangangalap sila ng ginto sa gilid ng ilog, biglang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang itim na Honda TMX na motorsiklo na walang plaka.

Agad umanong pinagbabaril ng mga suspek ang biktima nang ilang beses bago mabilis na tumakas.

Sa pagresponde ng mga awtoridad, natuklasang nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Narekober naman ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo at isang hindi pa nagamit na bala na pinaniniwalaang mula sa isang .45 caliber na baril.

Ayon sa pulisya, isa sa mga anggulong kanilang sinisiyasat ay ang posibilidad ng personal na alitan bilang motibo sa pamamaril. Gayunman, nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang tunay na motibo sa krimen.