Mariing kinondena ng Joint Government of the Philippines–Moro Islamic Liberation Front (GPH-MILF) Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga lalawigan ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.
Sa inilabas na joint statement kahapon Hulyo 20, sinabi ng Joint CCCH na ang mga pag-atake ay banta sa kapayapaan at seguridad ng mga residente sa Bangsamoro at maaaring makaapekto sa mga pagsisikap na mapanatili ang matatag na kapayapaan sa rehiyon.
Kabilang sa mga kinondena ng komite ang paghahagis ng granada sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasugat ng dalawang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at tatlong sibilyan. Kasama rin ang paghahagis ng granada sa Charlie Company ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Kinondena rin ng Joint CCCH ang hinihinalang pagsabog ng improvised explosive device o IED sa tabi ng isang Truck Armored Vehicle ng 1st Mechanized Brigade sa Linantangan, Shariff Mustapha, Maguindanao del Sur, gayundin ang insidente ng harassment laban sa 1st Mechanized Battalion, 12th Mechanized Company Detachment sa Barangay Manggay, Talitay, Maguindanao del Norte.
Ayon sa Joint CCCH, ang mga naturang pag-atake ay taliwas sa pangako ng pamahalaan at ng MILF na pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro peace process.
Binigyang-diin din ng komite na ang mga insidenteng ito ay naglalagay sa panganib sa buhay ng mga sibilyan at mga tauhan ng seguridad, habang naaantala rin ang mga hakbang upang mapanatili ang mga naabot na tagumpay ng proseso ng kapayapaan, lalo na sa paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nanawagan ang Joint CCCH sa mga lokal na pamahalaan, mga lider ng komunidad, mga residente, at mga kasapi ng MILF na manatiling mapagmatyag at patuloy na suportahan ang mga hakbang para sa pagpapanatili ng kapayapaan. Hinikayat din nito ang mga nasa likod ng mga pag-atake na itigil ang anumang karahasang nagdudulot ng takot at kaguluhan sa mga komunidad.
Samantala, muling tiniyak ng Joint CCCH na paiigtingin nito ang koordinasyon, monitoring, at pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang katuwang ang iba’t ibang sektor upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong Bangsamoro.
Sa huli, muling iginiit ng GPH at MILF, sa pamamagitan ng Joint CCCH, ang kanilang nagkakaisang paninindigan laban sa lahat ng anyo ng karahasan at ang patuloy na pangangalaga sa mga naabot na tagumpay ng Bangsamoro peace process.

















