Natagpuan ang isang pinaghihinalaang unexploded ordnance o hindi sumabog na pampasabog na pinaniniwalaang isang lumang granada sa gilid ng Narciso Ramos National Highway sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, ngayong Miyerkules, Agosto 19.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang nadiskubre ang naturang bagay ni Wahid, isang maintenance personnel ng Department of Public Works and Highways o DPWH Region XII, bandang alas-9:05 ng umaga.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Sultan Mastura Municipal Police Station upang beripikahin ang ulat. Sa kanilang pagdating, nakumpirma nilang may bahagyang nakalantad na pinaghihinalaang granada sa tabi ng kalsada.
Dahil dito, kaagad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa Provincial Explosives and Canine Unit o PECU ng Maguindanao del Norte para sa wastong pagsusuri at pagkilala sa naturang pampasabog.
Habang hinihintay ang pagdating ng mga tauhan ng PECU, agad na isinara at nilagyan ng police line tape ang lugar upang maiwasan ang paglapit ng mga motorista, pedestrian, mga tauhan ng DPWH, at mga residente.
Bandang alas-9:15 ng umaga, dumating ang mga tauhan ng PECU at nagsagawa ng masusing pagsusuri sa pinaghihinalaang granada.
Batay sa kanilang assessment, ang naturang pampasabog ay kalawangin na, hindi matatag, at hindi na ligtas na ilipat. Dahil dito, nagpasya ang mga awtoridad na magsagawa ng emergency disposal upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, patuloy na pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang bagay at huwag itong galawin upang maiwasan ang anumang panganib.

















