Idineklara ng PAGASA na opisyal nang nagtapos ang panahon ng Habagat o Southwest Monsoon sa Pilipinas.

Napansin ng ahensya nitong mga nakalipas na araw ang pagbabago sa weather pattern, kabilang ang paglakas ng high pressure system sa East Asia, pag-usog patimog ng Intertropical Convergence Zone o ITCZ, at paghina ng hangin at pag-ulang dulot ng Habagat.

Inaasahang magpapatuloy ang ganitong kondisyon sa mga susunod na araw batay sa forecast ng PAGASA.

Patuloy namang nakaaapekto ang ITCZ sa Palawan, Visayas at Mindanao kahit nagtapos na ang Habagat season.

Makakaranas ang mga lugar na ito ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan.

Inaasahan naman ang maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa Northeasterly Windflow, ngunit wala itong inaasahang malaking epekto.

Makakaranas naman ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

Posible rin ang flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na thunderstorms.

Pinapayuhan pa rin ng PAGASA ang publiko na manatiling updated sa mga weather advisory ng ahensya.