Arestado ang dalawang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa Barangay Neketan bandang alas-5:30 ng madaling-araw ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 15.
Ayon sa pulisya, nasakote ang mga suspek matapos ang umano’y transaksiyon ng ilegal na droga sa isang operatibang nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa operasyon ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P34,000, buy-bust money, mga drug paraphernalia at isang kalibre .45 na baril na may binurang serial number.
Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon, habang inihahanda ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy namang pinaigting ng pulisya ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at mga baril sa kanilang nasasakupan.

















