Nagbabala ang mga awtoridad sa hindi magandang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila matapos maapektuhan ng haze na iniuugnay sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia.

Sa datos ng DENR-Environmental Management Bureau sa National Capital Region o EMB-NCR noong Martes ng gabi, Setyembre 1, umabot sa “acutely unhealthy” ang Air Quality Index o AQI sa tatlong lugar.

Pinakamataas ang naitalang AQI sa Don Bosco, Parañaque na nasa 229, habang 215 naman sa Las Piñas at 202 sa Quezon City-Ateneo.

Samantala, nasa “very unhealthy” level din ang air quality sa sampung iba pang monitoring stations sa Makati, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina-Parang, Muntinlupa-Filinvest, Quezon City-Commonwealth, San Juan, Taguig-TUP at Valenzuela.

Ayon sa DENR-EMB, maaaring Habagat ang nagtulak sa usok mula sa mga sunog sa Kalimantan patungo sa Pilipinas.

Posibleng manatili ang haze hanggang Setyembre 3 habang nagpapatuloy ang mga sunog sa Indonesia.

Pinapayuhan naman ang publiko na magsuot ng face mask, partikular kapag kinakailangang lumabas, upang mabawasan ang exposure sa maruming hangin.