Nagsagawa ng pagdinig ang COMELEC BARMM hinggil sa petisyon ng pangulo ng partidong SIAP na si Mujam Adiong na mapalitan ang pangalan ng kanilang partido mula sa SIAP KO AGAMA A SAMBATAN KO PAGINGED (SIAP) PARTY patungong SERBISYO INKLUSIBO-ALYANSANG PROGRESIBO (SIAP) PARTY.

Ginanap ang naturang pagdinig sa Islamic City of Marawi partikular na sa opisina ng COMELEC BARMM. Ito ay alinsunod sa pagtalima o compliance ng Bangsamoro Registration and Accreditation Committee o BRAC.

Ang petisyon ay prinisenta ng partido habang isinusulong nila ang akreditasyon ng partido bilang Regional Parliamentary Political Party sa rehiyon.

Ginawa aniya ang petisyon upang matiyak na ang kahulugan ng mga kataga sa pangalang SIAP ay mauunawaan ng publiko at ng tao. Dagdag pa, ang bagong pangalan ay naglalayong pahusayin pa ang pagkakaunawa ng publiko sa layunin at misyon ng partido.