Nakabalik na sa Northern Mindanao ang 901 tauhan ng Police Regional Office 10 o PRO 10 matapos ang kanilang election duty sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Dumating sa Camp Alagar sa Cagayan de Oro City ang mga pulis kahapon Setyembre 17, matapos italaga bilang Special Electoral Board members at security escorts para sa 2026 BARMM Parliamentary Elections.
Ayon sa PRO 10, ligtas at kumpleto ang 901 personnel na unang ipinadala sa BARMM noong Setyembre 8, ilang araw bago ang halalan noong Setyembre 14.
Bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan ang mga nagsilbing Special Electoral Board members, habang Medalya ng Kagalingan naman ang iginawad sa mga security escort.
Pinuri ni PRO 10 Regional Director PBGEN Nestor C. Babagay Jr. ang mga tauhan dahil sa kanilang pagtupad sa tungkulin sa panahon ng halalan.
Sa pagbabalik ng lahat ng 901 personnel, tuluyan nang nagtapos ang election augmentation mission ng PRO 10 sa BARMM at balik na ang mga ito sa kanilang mga nakatalagang unit sa Northern Mindanao.
VIA PNP Police Regional Office 10











