Nawasak ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit Php 11 milyong halaga ng tanim at pinatuyong marijuana sa isinagawang sunod-sunod na anti-illegal drug operations sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa ulat, mula Abril 19 hanggang 25, nagsagawa ang mga operatiba ng 16 na eradication operations na tumutok sa mga taniman ng marijuana sa mga upland areas. Sa naturang operasyon, nadiskubre at winasak ang kabuuang 18,520 fully grown marijuana plants at 61,470 gramo ng pinatuyong marijuana, na may tinatayang standard drug price na Php 11,080,400.
Sinabi ni Jose Melencio C. Nartatez Jr., hepe ng PNP, na patunay ang matagumpay na operasyon sa patuloy na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
“Ito ay malinaw na patunay na tuloy-tuloy ang ating aksyon laban sa ilegal na droga. Tinutugis natin ang pinagmumulan nito at patuloy natin itong paiigtingin,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng komunidad sa tagumpay ng operasyon, lalo na sa pagbibigay ng impormasyon at pakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Nagbabala naman ang PNP sa mga indibidwal na sangkot sa pagtatanim at distribusyon ng ilegal na droga na magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon, lalo na sa mga liblib at bulubunduking lugar kung saan kadalasang itinatago ang mga taniman.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng mas pinalakas na kampanya kontra droga ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr., na layong sugpuin ang suplay ng ilegal na droga sa bansa.
Tiniyak ng PNP na mananatili silang mahigpit ngunit sumusunod sa batas sa pagpapatupad ng kanilang operasyon, alinsunod sa layuning makapaghatid ng mabilis, tapat, at nararamdamang serbisyo sa publiko.

















