Nasabat ng PNP Maritime Group ang hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isang operasyon sa Iloilo Fish Port Complex, Brgy. Tanza Baybay, bandang 9:30 ng umaga nitong Enero 3, 2026.

Ayon sa ulat, napansin ng mga tauhan ang kahina-hinalang kahon sa isang Ford Ranger. Sa masusing inspeksyon, natagpuan ang 12 master cases o 600 reams ng sigarilyong walang kaukulang dokumento at BIR stamps—isang malinaw na paglabag sa batas.

Agad na inaresto ang mga suspek, kinumpiska ang kontrabando at ang sasakyan, at isinailalim sa wastong inventory at disposition. Iginiit ng PNP Maritime Group na ang naturang aksyon ay patunay ng kanilang mabilis, tapat, at propesyonal na serbisyo para sa mas malinis at ligtas na komunidad.